Binatikos ni dating DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy ang posisyon ni DICT Secretary Henry Aguda kaugnay ng Konektadong Pinoy Bill na kamakailan lamang ay inaprubahan ng Kongreso.
Bagama’t kinikilala ni Dy ang layunin ng panukala na gawing mas abot-kaya at accessible ang internet sa bansa, iginiit na may mga seryosong kahinaan ito na maaaring makasama sa industriya ng telecommunications at pambansang seguridad.
Tinuligsa ni Dy ang Section 16 ng panukala, na nag-uutos sa lahat ng telcos at data transmission industry players na mag-co-locate at magbahagi ng kanilang infrastructure. Ayon sa kanya, oversimplified ang probisyon at hindi tugma sa tunay na dynamics ng merkado.
Aniya, hindi tinutugunan ng panukala ang problema ng sobrang singil ng malls at developers sa telco providers, kulang sa enforcement sa mga third-party landlords, at mahirap ipatupad sa konteksto ng international cable systems.
Nagbabala rin siya sa posibleng banta sa national security, partikular sa pagpasok ng foreign telco networks sa Northern Luzon, gayundin sa mga satellite operations na maaaring kontrolado ng foreign entity.
Dahil dito, hinimok ni Dy ang Pangulo na muling pag-aralan ang panukala bago ito tuluyang lagdaan bilang batas.