![]()
SINIMULAN na ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Panfilo Lacson ang evaluation at verification sa alegasyon ng 18 dating sundalo kaugnay sa pagdedeliver ng pera mula umano kay dating Cong. Zaldy Co.
Sinabi ni Lacson na posible nilang paharapin ang mga nagpakilalang dating sundalo sa pagdinig kung lalabas sa ebalwasyon na nararapat silang tumestigo.
Una nang nairefer sa kanyang kumite ang Senate Resolution 317 ni Senador Imee Marcos na humihiling ng imbestigasyon sa sinasabing deliveries ng male-maletang pera na kickback umano sa flood control projects.
Bago ang resolusyon, kinumpirma ni Lacson na sumulat na siya sa Philippine Navy at sa Philippine Army upang alamin ang record at background ng mga dating sundalo.
May pauna na anyang impormasyon na ilan sa kanila ay dishonorably discharged at ang iba ay hindi naging sundalo.
Iginiit ni Lacson na bahagi na ng kanyang nakasanayan na sa tuwing may mga paratang, sinusuri muna ang pinanggalingan ng impormasyon at ang credibility ng kanilang mga pahayag.
