Bibisita sa Pilipinas si European Commission President Ursula Von Der Leyen, mula Hulyo a-30 hanggang Agosto a-1.
Ayon sa Presidential Communications Office, ito ang kauna-unahang pagkakataon na darating sa bansa ang isang presidente ng EU Commission, sa loob ng halos 60 taong diplomatic ties ng Pilipinas at EU.
Welcome naman kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nakatakdang official visit ni Von Der Leyen, kasunod na rin ng una nilang pagkikita sa Belgium sa sidelines ng ASEAN-EU Commemorative Summit noong Disyembre 2022.
Habang nasa bansa ay makikipagpulong si Von Der Leyen sa mga opisyal ng gobyerno, at private business at civic entities.
Ang kanyang pag-bisita ay inaasahang mas magpapatatag ng kooperasyon ng Pilipinas at EU sa kalakalan, ekonomiya, development, maritime cooperation, climate and environment, space cooperation, digital connectivity, at iba pang sektor. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News