![]()
INIHAYAG ni Senador JV Ejercito na agad madidismis ang ethics complaint laban kay Senador Ronald Bato Dela Rosa kung diringgin na ito ngayon ng Senate Committee on Ethics and Privileges.
Ipinaliwanag ni Ejercito, chairman ng kumite, sa ngayon kasi ay walang patakaran ang Senado para sa no work no pay o para sa senador na matagal na umaabsent gaya ni Dela Rosa.
Sinabi ni Ejercito na walang probisyon para sa no work no pay sa rules ng Senado at ng Ethics Committee kaya’t kailangang amyendahan ang mga patakaran.
Binigyang-diin ng senador na marami pang nakapilang ethics complaint bago matalakay ang isinampa laban sa nagtatago si dela rosa kaya may panahon pa para maamyendahan ang rules ng Senado.
Kung ma-dismiss naman ang reklamo, maaari namang ulitin ang pagsasampa nito kapag na amyendahan na ang rules. Nilinaw ni Ejercito na hindi naman ito pagtatakip kay Dela Rosa at walang pinagtatakpan ang senate ethics committee na sinumang senador.
Sa katunayan anya, nagmamadali silang pagtibayin ang rules ng ethics committee para maaksyunan na ang mga nakasampa ritong reklamo.
Sa ngayon ay may kabuuang 9 na ethics complaint ang nakahain sa kumite kung saan ang isa ay inireklamo ang lahat ng senador ng 19th at 20th Congress.
