Nagbabala ang PHIVOLCS na posibleng magkaroon ng kasunod na pagputok ang bulkang kanlaon sa kabila ng pagiging kalmado nito.
Ipinaliwanag ni Mariton Bornas, Chief Science Research Specialist ng PHIVOLCS, na tahimik lamang na naglalabas ng gas ang Kanlaon at lumilikha ng mahihinang low-frequency volcanic earthquakes.
Gayunman, posible aniyang mag-alboroto bigla ang bulkan nang walang anumang precursor o panimulang aktibidad.
Sinabi ni Bornas na anumang oras ay maaring magkaroon ng pagputok sa Kanlaon volcano na nasa alert level 2 hangga’t mayroong unrest.
Binigyang diin ng PHIVOLCS official na “dangerous” o mapanganib na bulkan ang kanlaon, na ang huling magmatic eruption ay noong 1902, o isandaan dalawampu’t dalawang taon na ang nakalilipas.
Mag-a-ala-7 ng gabi noong Lunes nang pumutok ang bulkang Kanlaon at tumagal ng 6 na minuto ang pag-a-alboroto nito, saka nagbuga ng 5 000 metrong taas na plumes.