Binawi ni Police Col. Jovie Espenido ang mga binitiwang testimonya sa Senado noong 2016 laban kay nuo’y Senator Leila De Lima.
Ang pagbawi ay ginawa nang usisain ni Batangas Congw. Jinky Gerville Luistro si Col. Espenido kung pinaninindigan pa rin nito ang ginawang testimonya sa Senado ilang taon na nakakaraan.
Dito sinabi ni Espenido na binabawi na niya ito at nuon pa man umano matapos ang hearing sa Senado ay nilapitan niya si De Lima at sinabing “sorry mam, the truth will set you free” na pinatotohanan naman ng dating Senador.
Sa 9th hearing ng House Quad Committee, naglahad ng kanyang karanasan si Sen. De Lima kung paano siya pinaratangan at ikinulong dahil sa bintang na sangkot ito illegal drug trade sa Bilibid.
Tahasan nitong sinabi na walang katotohanan ang lahat ng testimonya noon ni Col. Espenido partikular ang magkakilala si Espenido at dati niyang driver na si Ronnie Dayan.
Pinabulaanan din ni De Lima ang ipinakitang litrato nila Kerwin Espinosa na kuha sa Baguio City, na isa sa pinagbasehan na talagang magkakilala sila.
Nasabi rin ni De Lima ngayong nagbago ng pahayag si Espenido, nais nya rin sanang marinig ang katotohanan sa mga sinabi nito sa Senado noon. —sa panulat ni Ed Sarto