Malamig sina Senador Francis Escudero at Senador Robin Padilla sa panukalang iakyat sa United Nations General Assembly ang laban ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ipinaliwanag ni Escudero na para sa kanya mas binding at persuasive o mas may bisa o nakakahikayat ang arbitral ruling ng The Hague kumpara sa isang resolusyon mula sa UN General Assembly.
Idinagdag pa ni Escudero na hindi magiging dagdag na lakas ang pagdulog sa UN lalo na kung ikukunsidera ang kultura at tradisyon sa eastern countries.
Mas pabor ang senador sa istratehiya ni Pangulong Bongbong Marcos na gamitan ng diplomasya ang pakikipag-engage sa China partikular sa mga usapin na maaaring magtulungan at magkasundo nang hindi isinusuko ang ating mga karapatan at soberanya.
Ipinaalala naman ni Padilla na kahit saang forum dalhin ang usapin kung hindi rin naman haharap at makikipagtulungan ang China ay wala ring mangyayari.
Ipinaliwanag ng senador na ganito ang nangyari sa The Hague ruling na hindi tinatanggap ng China dahil hindi naman sila nakilahok sa proseso. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News