Umarangkada na ang preliminary investigation ng Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay sa tatlong araw na sunod-sunod na Red at Yellow Alerts sa Luzon at Visayas Grids.
Ayon kay ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, magtatakda sila ng pagpupulong sa mga stakeholder na sangkot sa isyu para sa pormal na imbestigasyon.
Una nang inanunsyo ng National Grid Corporation of the Philippines, na muli nitong isinailalim ang Luzon Grid sa Red Alert kaninang alas-tres hanggang alas-kwatro ng hapon at mamayang alas-otso hanggang alas-dyes ng gabi.
Ang Red Alert status ay itinataas sa tuwing kulang ang suplay ng kuryente para maabot ang demand ng mga konsyumer at ang Regulating Requirement ng Transmission Grid.
Samantala, itinaas din ng NGCP sa Yellow Alert status ang Luzon Grid kaninang ala-una hanggang alas-tres ng hapon at magpapatuloy hanggang alas-kwatro ng hapon hanggang alas-otso ng gabi, at alas-dyes hanggang alas-onse ng gabi.
Nasa ilalim din ng Yellow Alert ang Visayas grid kaninang ala-una ng hapon hanggang mamayang alas-nueve ng gabi.
Ang Yellow Alert ay tumutukoy sa kakulangan ng Operating Margin para maabot ang Contingeny Requirement ng Transmission Grid.