dzme1530.ph

Engr. Brice Hernandez, papayagang lumabas mula sa detention facility para maghanap ng ebidensya

Loading

Papayagan ng Senado si Engineer Brice Hernandez na lumabas mula sa detention facility upang makapaghanap ng ebidensya kaugnay ng kanyang alegasyon sa mga anomalya sa flood control projects.

Ito ang kinumpirma ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson, matapos niyang pag-isipan ang hiling ni Hernandez. Ayon kay Lacson, gumagawa na ito ng sulat para kay Senate President Tito Sotto III upang hilinging palabasin si Hernandez bukas o sa darating na Linggo.

Nilinaw ni Lacson na hindi maaaring mag-overnight si Hernandez at laging may security escort mula sa Senado.

Ilan sa nais patunayan ni Lacson ay ang sinasabing 25–30% kickbacks laban kina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada. Aniya, na-validate na nila ang umano’y ₱355 million at ₱600 million na ipinondo nina Estrada at Villanueva, ngunit hindi pa malinaw ang ebidensya tungkol sa komisyon.

Tiniyak ni Lacson na kung mapatunayang sangkot ang dalawa, hindi sila magdadalawang-isip na irekomenda sa Ombudsman at Independent Commission on Infrastructure na sampahan sila ng kaso.

About The Author