Lumagpas na sa normal capacity ang Emergency Room ng East Avenue Medical Center dahil sa epekto ng mga bagyo at habagat, ayon sa Department of Health.
Sa isinagawang inspeksyon ni Health Sec.Ted Herbosa, lumalabas na mahigit 120 pasyente ang tinatanggap ng emergency room ng EAMC, higit doble sa normal nitong kapasidad na 60 pasyente.
Puno na rin ang Neonatal Intensive Care Unit (NICU) at OB-GYN ward ng ospital, dahilan kaya’t ilang pasyente ang ginagamot na sa mga hallway.
Nagbabala si Herbosa sa mga ospital na maghanda sa posibleng pagdami ng pasyente, lalo na sa banta ng leptospirosis dahil sa pagbaha.
Sa ngayon, may 17 aktibong kaso ng leptospirosis sa EAMC, at posible pa itong madagdagan dahil sa mga pasyenteng kasalukuyang inoobserbahan.