![]()
Inaprubahan na rin ng Senado ang panukala na nagbibigay ng awtoridad sa Pangulo na suspendihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Sa botong 17 senador na pabor, walang tumutol at walang nag-abstain, inaprubahan sa 2nd, 3rd and final reading ang Senate Bill 1982.
Sa panukala, maaaring iutos ng Pangulo ang suspensyon o bawas sa excise tax kapag sumampa o lumampas sa 80 dollars ang presyo kada bariles ng petrolyo batay sa Mean of Platts Singapore sa loob ng isang buwan.
Maaaring gamitin ng Pangulo ang awtoridad hanggang December 31, 2028 habang ibabalik sa dati ang excise tax kapag bumaba na ang presyo ng petrolyo sa 80 dollars.
Sa deliberasyon sa panukala, sinabi ni Senator Pia Cayetano na chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, maaaring maramdaman ang epekto ng suspensyon ng excise tax sa loob ng 30 hanggang 45 araw matapos itong maisabatas dahil may nauna nang stock ng petrolyo na nabili ng oil companies na pinatawan pa ng excise tax.
Maari namang mapaaga kung mas maagang makabibili ang oil companies ng petrolyo na hindi na papatawan ng excise tax.
10 pesos ang excise tax sa kada litro ng gasolina at 6 pesos sa kada litro ng diesel pero hindi ibig sabihin na ganito ang ibabawas sa mismong presyo ng petrolyo dahil meron pang computation dito.
