Inanunsyo ng olympian at Filipino pole vaulter na si EJ Obiena na isusubasta niya ang sapatos na kanyang ginamit nang masungkit ang ikatlong sunod na ginto sa 32nd Sea Games na ginaganap sa Phnom Penh, Cambodia.
Sinabi ni Obiena na ang mapagbebentahan ay ipambibili ng pole vault pit na magagamit ng ilang kabataang nasa probinsya.
Ang pit ay ang mat na ginagamit sa sports bilang landing spot ng mga atleta matapos makumpleto ang pagtalon.
Ayon kay Obiena, espesyal ang kanyang sapatos dahil mayroon itong disenyo na Philippine flag.
Sa gitna ng malakas na ulan at hangin ay napagtagumpayan ni Obiena ang kompetisyon, at nakapag-set pa ng bagong Sea Games record na 5.65 na nakuha niya lamang sa isang attempt. —sa panulat ni Lea Soriano