IGINIIT ng senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa, dapat tutukan ang kapakanan ng mga guro, nutrisyon ng mga estudyante, at mga repormang nakabase sa datos at aktuwal na karanasan sa komunidad.
Binigyang-diin ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nakasalalay sa mga guro ang kalidad ng edukasyon.
Kaya kailangan aniyang ayusin ang kanilang sweldo at benepisyo para mas mahikayat silang manatili sa propesyon at mas mapabuti ang kanilang pagtuturo.
Suportado ito ni Makati Mayor Abby Binay, na nagsabing dapat ding may regular na training ang mga guro, katulad ng Mandatory Continuing Legal Education sa mga abogado.
Iginiit din ni Binay na dapat bigyang-pansin ang gutom sa hanay ng mga estudyante dahil kahit anong husay anya ng guro, kung walang laman ang sikmura ng bata, hindi rin ito matututo nang maayos.
Binigyang-diin naman ni dating Interior Sec. Benhur Abalos ang papel ng nutrisyon sa maagang pag-unlad ng mga bata.
Ibinahagi ni Abalos ang naging proyekto niya noon sa Mandaluyong, kung saan inalagaan na nila agad ang mga ipinagbubuntis pa lang at tiniyak na may sapat na nutrisyon ang mga sanggol mula pagkapanganak hanggang paglaki.
Dahil sa programang ito anya nanguna ang kanilang lungsod sa National Achievement Test.
Para naman kay dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson, kailangang tiyakin na may sapat na pondo para sa edukasyon habang iginiit ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, hindi lang kakulangan sa pondo ang problema kundi maling prayoridad din.
Sa halip anya puro imprastraktura na madalas nauugnay sa korapsyon, mas dapat aniyang ilaan ang budget sa edukasyon, lalo na sa pagpapatayo ng mas maraming silid-aralan.
Iginiit nina Lacson at Tulfo na kung gusto ng bansa ng mas magandang kinabukasan, kailangang ngayon pa lang ay mag-invest na aniya sa edukasyon, gaya ng dagdag na classrooms, mas maraming teachers, at mas maayos na mga paaralan.