Hellish situation o matinding hirap na sitwasyon ang kahaharapin ng Metro Manila sa nakatakdang total rehabilitation sa EDSA.
Ito ang babala ni Sen. JV Ejercito sa gitna ng inaasahang pagsisimula ng rehabilitasyon sa EDSA sa June 13.
Tanong din ni Ejercito kung may ginawang economic impact assessment ang mga ahensya ng gobyerno kaugnay sa total EDSA rehabilitation.
Nangangamba ang senador na posibleng mas magkaroon ng negatibong epekto ang rehabilitasyon sa halip na benepisyo.
Inirekomenda ng mambabatas na kung maaari ay gawin ang total EDSA rehabilitation project sa sandaling matapos at operational na ang North-South Commuter Line at Metro Manila Subway System.
Sa ganitong paraan, mas magiging madali ang galaw ng mga commuter at mababawasan ang dami ng mga sasakyan na bumibiyahe.
Itinuturing ni Ejercito na sangkap ng hellish situation ang dami ng mga sasakyan, pagbabawal sa mga motorsiklo sa mga overpass at underpass at implementasyon ng No Contact Apprehension Policy.