Lusot na sa Senado ang panukalang naglalayong bigyang proteksyon ang karapatan at pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Sa botong 22 na senador na pabor, walang tumutol at walang nag abstain, inaprubahan sa 3rd and final reading ang Senate Bill 2505 o ang Eddie Garcia bill.
Sa ilalim ng panukala, gagarantiyahan ang oportunidad sa mga manggagawa ng industriya ng pelikula at telebisyon para sa magagandang trabaho, disenteng kita at proteksyon laban sa pang aabuso, pinalawig na oras sa trabaho, harassment, mapanganib na kondisyon sa trabaho at economic exploitation.
Sinabi ng sponsor ng panukala na si Senate Committee on Labor Chairman Jinggoy Estrada, kabilang sa mga probisyon ng panukalang ang pagtatakda ng normal na walong oras o hanggang 14 hours sa isang araw o kabuuang 60 hours sa isang linggo na pagtratrabaho ng mga nasa film at TV industry.
Bukod dito, itinatakda rin ang probisyon para sa benepisyo sa kalusugan at insurance mula sa mga insidente sa trabaho o pagkamatay para matiyak ang kanilang kapakanan.
Matatandaang ang pagkamatay ng beteranong aktor na si Eddie Garcia noong 2019 ang nagtulak sa pagsusulong ng panukalang ito.