dzme1530.ph

Economy class passengers, nais i-exempt sa travel tax

Isinusulong ni Sen. Raffy Tulfo ang panukala na gawing exempted o huwag nang pagbayarin ng travel tax ang mga pasahero ng economy class sa eroplano.

Inihain ni Tulfo ang Senate Bill no. 2764 upang amyendahan ang Presidential Decree 1183 para sa koleksyon ng travel tax sa lahat ng mga pasahero ng eroplano palabas ng bansa.

Iginiit ng chairman ng Senate Committee on Public Services na masyado nang maraming buwis na binabayaran ang mga Pilipino kabilang na ang income tax at value added tax.

Sa kasalukuyang batas, tanging mga OFW ang exempted sa pagbabayad ng travel tax.

Batay sa Republic Act 9593, 50% ng koleksyon mula sa travel tax ay gagamitin sa mga tourism-related projects, 40% naman para sa tourism-related educational programs at 10% para sa National Commission for Culture and the Arts.

Una rito, naghain na rin ng panukala si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III para alisin na ang travel tax dahil hindi anya dapat binubuwisan ang karapatan ng mga Pilipino na bumiyahe.

 

About The Author