dzme1530.ph

Economic team, pinag-iingat sa interpretasyon ng Maharlika Investment Fund Act

Pinag-iingat ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang economic team sa mga maituturing na dangerous interpretation ng mga probisyon sa Maharlika Investment Fund Act.

Ipinaalala ni Pimentel na maraming kritiko ang batas na naghihintay pa ng mga dagdag na argumento sa ihahaing petisyon laban dito.

Ginawa ni Pimentel ang payo kasunod ng pagpuna nya kung bakit wala sa 2024 National Expenditure Program (NEP) ang pondo para sa MIF partikular ang dividends ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na alokasyon para sa batas.

Ipinaliwanag naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na hindi na makikita sa 2024 NEP ang alokasyon para sa MIF dahil ito ay automatic appropriations na at nakalagay sa ibang libro sa ilalim ng Budget of Expenditures and Sources of Financing.

Nagtataka naman si Pimentel dahil noong pinondohan ang capitalization ng BSP gamit ang dibidendo nito na isang batas din ay nakapaloob pa rin ito NEP.

Tanong pa ni Pimentel kung isa bang ordinary o extra special GOCC ang Maharlika Investment Corporation kaya hindi na inilagay sa NEP ang detalye ng pondo ng MIF.

Ipinaliwanag naman ni DBM Usec. Janet Abuel na batay sa batas, ang capitalization at initial funding sa MIF kasama ang kontribusyon mula sa BSP ay ire-remit sa National Treasury bilang special account ng general fund at ito ay solong alokasyon lamang para sa MIC capitalization.

Ibig sabihin, dahil ito ay automatic appropriations ay pinapayagan na kahit wala ang detalye nito sa NEP. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author