Nilinaw ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na hindi siya nananawagan ng boycott sa Chinese products sa bansa.
Sa budget hearing sa Senado, aminado si Zubiri na malabo ang boycott sa Chinese products dahil sa dami ng mga gamit at iba pang produktong mula sa naturang bansa.
Gayunman, iginiit ni Zubiri na kailangan na ring kumuha ng ibang contractors ang bansa para sa mga proyekto at huwag nang tumutok lamang sa China.
Iginiit ni Zubiri na walang katuturan na nagbibigay ang gobyerno ng bilyong piso na halaga ng proyekto sa mga Chinese state-owned contractors gayong ang pondo na ibinayad ng bansa ay ginagamit naman pala sa pagtatayo ng mga imprastraktura at pagsasagawa ng mga aktibidad sa West Philippine Sea.
Tinawag pa ito ng senate leader na niluluto tayo sa sariling mantika dahil ang pondo na ibinayad sa mga Chinese contractors ay mula sa buwis ng mga Pilipino gayundin sa buwis ng mga Coast Guard at Navy na pangunahing nakakaranas ng pangha-harass ng China.
Iminungkahi ni Zubiri na kumuha na lamang ang pamahalaan ng mga contractors mula sa South Korea, Japan o kaya Vietnam dahil kaya rin naman ng mga nabanggit na bansa na magtayo ng mga malalaking imprastraktura.
Bukod dito, maaari rin tayong makakuha ng mga kinakailangang supplies mula sa India.
Nakausap din ng senador si Transportation Secretary Jaime Bautista at sinabi anya ng kalihim na palpak ang lahat ng Chinese contracts tulad ng proyektong North-South-Railway project ng nakaraang administrasyon na inabandona lang ng China.
Sinabi naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno na may epekto sa bansa kung i-ba-ban ang mga Chinese contractors sa mga pipeline projects ng pamahalaan.
Posible anyang madiskaril ang implementasyon ng mga official development assistance (ODA) projects mula sa mga bilateral at multilateral ODA partners partikular sa mga proyekto na myembro ang China tulad ng Asian Development Bank, Asian Infrastructure Investment Bank at World Bank. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News