Inilunsad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang E-Gov Super App, na magsisilbing one-stop-shop avenue kung saan pagsasama-samahin sa isang platform ang online services ng local at national government.
Ito ay kasabay ng kick-off ceremony sa Malakanyang ng Information and Communication Technologies Month ngayong araw ng Biyernes, Hunyo a-2.
Sa ilalim ng E-Gov Super App, maa-access ang mga serbisyo ng 26 na national government agencies sa bisa ng Memoranda of Understanding sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Kabilang dito ang online services ng SSS, GSIS, PhilHealth, Pag-Ibig, BIR, DTI, PEZA, at iba pa.
Maaaring dito na rin kumuha ang publiko ng kopya ng kanilang digital driver’s license.
Sa local government services, magagamit ang E-Gov Super App sa pag-aapply ng iba’t ibang uri ng clearance, certification, at permits.
Sa tulong naman ng Presidential Communications Office ay ipo-post din dito ang news articles kaugnay ng mahahalagang kaganapan sa bansa.
Bukod sa napakarami pang online services, maaari ring gamitin ng publiko ang E-Gov Super App para magbigay ng feedback o mga reklamo. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News