Welcome sina former President Rodrigo Duterte at Senator Ronald “Bato” dela Rosa, dating Philippine National Police (PNP) chief sa ilalim ng Duterte Administration na dumalo sa hearing na ginagawa ng House Committee on Human Rights kaugnay sa Anti-Drug War ng nagdaang administrasyon.
Ayon kay Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. na chairman ng komite, paaabisuhan niya ang dating Pangulong Duterte at Senator Dela Rosa kung kailan ang susunod na pagdinig, at kung nais nilang dumalo ay welcome sila.
Tiniyak ni Abante na ibibigay ng komite ang pinakamataas na pagrespeto sa dating Pangulo sakaling magpasya itong dumalo, ganun din kay Sen. Dela Rosa bilang paggalang sa Inter-Parliamentary Courtesy.
Nilinaw ni Abante na bagama’t hindi binabawalan ang komite na siyasatin ang dating Pangulong Duterte, subalit bilang former highest official ng bansa, marapat itong irespeto.
Una nito, hiniling ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel sa komite na paharapin si Duterte at Dela Rosa bilang mga pangunahing personalidad sa Project Double Barrel.