Committed ang Duterte bloc ng Senado o ang tinatawag na Duter7 sa suporta kay Senate President Francis Chiz Escudero para sa pananatili nito sa puwesto ngayong 20th Congress.
Ito ang kinumpirma ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na nagsabing pumirma na sa resolusyon na nagsusulong ng Senate presidency ni Escudero.
Hindi naman matiyak ni Dela Rosa kung lumagda na rin sa resolusyon ang kanyang mga kasamahan na kinabibilangan nina Senators Robin Padilla, Christopher “Bong” Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, at magkapatid na sina Mark at Camille Villar.
Nilinaw ni Dela Rosa na wala silang hininging kapalit na committee chairmanship o kaya’y may kaugnayan sa impeachment proceedings, kaya mas pinili nilang suportahan si Escudero.
Iginiit din ni Dela Rosa na ang pinakamalaking factor sa kanilang desisyon ay ang pagiging bukas at pakikinig ni Escudero sa lahat, na siyang nagustuhan ng Duter7.