dzme1530.ph

Dumaraming insidente ng karahasan sa mga paaralan, ikinaalarma

Loading

Naalarma na si Senate Committee on Basic Education Vice Chairperson Raffy Tulfo sa dumaraming bilang ng insidente ng karahasan sa mga paaralan na banta sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at school personnel.

Tinukoy ni Tulfo ang insidente noong Agosto 7 sa Santa Rosa Integrated School sa Nueva Ecija kung saan isang 18-anyos na dating estudyante ang bumaril sa isang 15-anyos na estudyante bago siya nagbaril sa sarili, at ang insidente noong Agosto 4 sa Balabagan Trade School sa Lanao del Sur kung saan binaril at napatay ng isang Grade 11 na estudyante ang kanyang guro dahil umano sa bagsak na grado.

Inalam ni Tulfo sa Department of Education kung anu-anong hakbang ang kanilang isinasagawa upang matugunan ang suliraning ito, maiwasan ang pagpasok ng mga nakamamatay na armas gaya ng baril sa loob ng paaralan, at matiyak ang kaligtasan sa loob ng school facility.

Ayon kay DepEd Undersecretary for Legal and Legislative Affairs Filemon Javier, muling ipinaalala ng ahensya ang DepEd Order No. 40, s. 2012 o ang Child Protection Policy na nagtatakda ng zero-tolerance policy laban sa karahasan sa loob ng paaralan.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Tulfo na sa kabila ng umiiral na patakarang ito, tila may problema sa tamang pagpapatupad.

Nangako naman si Javier na magpapatupad sila ng mas mahigpit na mga hakbang upang maiwasan ang karahasan sa mga paaralan.

About The Author