Muling nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa mga negosyanteng lalabag sa ipinatutupad na price freeze ng ahensiya.
Sinabi ni Trade Regional Director Officer in Charge Rachel Nufable, maaaring magmulta ang mga negosyanteng lalabag at makulong ng hanggang sampung taon.
Regular aniya na nagsasagawa ng monitoring ang mga tauhan ng DTI sa lahat ng mga retailer sa buong rehiyon upang makita kung sila ay sumusunod sa price freeze order.
Ang inisyatiba ng ahensya ay para matiyak ang proteksyon ng mga mamimili mula sa hindi nararapat na pagtaas ng presyo sa panahon ng kalamidad.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7581 o Price Act, ang mga presyo ng mga prime commodities ay hindi dapat gumalaw sa loob ng 60 days kapag ang isang lugar ay nasa ilalim ng state of calamity.
Saklaw ng panukala ang mga bilihin tulad ng processed milk, tinapay, asin, kape, bottled water, detergent, canned fish, laundry soap, instant noodles, at processed food.
Ipinataw ng DTI ang kautusan sa 31 Local Government Units (LGUs) sa Western Visayas kasunod ng state of calamity declaration dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.