![]()
Aminado si Sen. Sherwin Gatchalian na malaking banta sa BPO industry sa bansa ang posibilidad na mawalan ng trabaho ang mahigit dalawang milyong Filipino call center agents sakaling maipasa sa Estados Unidos ang “Keep Call Centers in America Act of 2025.”
Sa pagdinig ng Senate Finance Committee para sa panukalang 2026 budget ng Department of Trade and Industry (DTI), binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang kumilos agad ang pamahalaan upang maprotektahan ang BPO sector, isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng dolyar ng bansa.
Ayon kay Gatchalian, kailangang magkaroon ng malakas na lobbying efforts ang Pilipinas upang pigilan ang pagpasa ng nasabing panukala sa US Congress.
Sinabi pa ng senador na dapat maging maagap at “forward-looking” ang gobyerno sa pagharap sa posibleng epekto ng panukala, at maghanda ng contingency measures upang hindi masyadong maapektuhan ang ekonomiya.
Ang Keep Call Centers in America Act of 2025 ay naglalayong pigilan ang pag-o-offshore ng mga call center jobs sa labas ng Amerika, isang hakbang na direktang tatama sa industriya ng BPO sa Pilipinas.
Samantala, nagpahayag din ng pangamba si Senadora Imee Marcos na malaki ang posibilidad na maaprubahan ang nasabing panukala lalo na kung parehong susuportahan ito ng mga Republican at Democrat.
Tiniyak naman ni DTI Undersecretary Allan Gepty na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa mga opisyal ng US hinggil sa isyu.
