dzme1530.ph

DSWD, wala pang balak payagang mag-operate ang Gentle Hands Inc. 

Walang balak ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na payagan nang mag-operate mula ang Children Homecare facility and Gentle Hands, Inc. sa Quezon City.

Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, hangga’t hindi nakakasunod ang pasilidad sa mga safety standards kasama na ang fire security permit ay hindi nila ito papayagang mangalaga muli sa mga bata.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, iginiit din ni Gatchalian na nagdesisyon silang ipasara ang Gentle Hands dahil sa imminent danger o sadyang delikado ang lugar sa napakaraming bata.

Kinumpirma ni Gatchalian na tatlong beses pa nilang pinadalhan ng Cease and Desist Order ang Gentle Hands, Inc. bago tuluyang ipinasara.

Ipinaliwanag ng kalihim na Agosto, 2022, nagsagawa sila ng inspeksyon at nagbigay pa sila ng rekomendasyon subalit bigo itong tumalima kaya ito naipasara.

Iginiit ni Gatchalian na pangunahin sa kaniyang nakita ay ang kawalan nila ng Fire Safety Inspection Certificate kaya’t delikado ang mga bata kapag nagkaroon ng sunog.

Binigyang-diin pa ng kalihim na sobra-sobra ang 127 na bata at isang adult na may special needs na nasa Gentle Hands, gayung ang kapasidad nito ay 50 lamang batay sa kanilang permit.

Naninidigan naman ang pasilidad sa pamamagitan ni Atty. Karina Balajadia Liggayu na ginagawa nila ang lahat upang makapag-comply sa requirement ng DSWD .

Nakahanda anya silang makipagtulungan sa ahensya para sa ikabubuti ng mga bata na nasa kanilang pangangalaga. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author