dzme1530.ph

DSWD regional offices sa hilagang Luzon, pinagsasanib-pwersa na sa harap ng pananalasa ng bagyong “Egay”

Pinagsasanib-pwersa na ni Department of Social Welfare and Development Sec. Rex Gatchalian ang lahat ng regional directors at offices sa Ilocos region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region.

Ito ay matapos mag-landfall ng dalawang beses ang bagyong “Egay” sa Cagayan, pinaka-huli ay ang pagtama kaninang umaga sa Dalupiri Island.

Ipinatitiyak ni Gatchalian ang interoperability ng disaster response and management groups ng tatlong rehiyon pagdating sa paghahatid ng relief goods, o ibig sabihin ay maaaring ipahiram sa mga lubhang apektadong LGU ang relief goods mula sa mga LGU na hindi gaanong apektado.

Inatasan din silang magtulungan sa pag-responde sa mga apektadong lokal na pamahalaan at sa mga nasalantang pamilya.

Ini-utos na rin ang agarang paghahatid ng karagdagang 17,000 family food packs sa apat na DSWD warehouse sa Cagayan Valley.

Sa ngayon ay tinutugunan na ang hiling ng limang LGU sa Cagayan para sa karagdagang food at non-food items kabilang ang Claveria, Sta Praxedes, Sanchez Mira, Alcala, at Lallo. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author