Naka-high alert na ang regional offices ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa harap ng pananalasa ng bagyong “Dodong”.
Inatasan ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang lahat ng regional directors na maghanda na sa pag-responde sa mga pamilya at indibidwal na maaapektuhan ng mga pagbaha at landslides, bunga ng southwest monsoon o hanging habagat na pinalalakas ng bagyo.
Kaugnay dito, ipinaa-activate na ang lahat ng Disaster Response and Management Division-Quick Reaction Teams, at inutusan silang makipag-ugnayan sa Local Disaster Risk Reduction and Management Council.
Samantala, ipinahahanda na rin sa Disaster Response and Management Group ang family food packs at iba pang relief assistance, para agaran itong maipadala sa mangangailangang regional offices.
Matatandaang kaninang umaga ay nag-landfall sa isabela ang Bagyong Dodong, at batay sa update ng pagasa ay nakataas ang tropical cyclone wind signal no. 1 sa 12 lugar sa northern luzon.