![]()
Hindi pa mamamahagi ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development sa ibang sektor matapos ang mga miyembro ng transportation sector.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, tinanong ni Senador Erwin Tulfo kung paano tutulungin ng DSWD ang iba’t ibang sektor, at kung may sapat na pondo kapag tumagal pa ang gulo sa Middle East hanggang Hunyo o Hulyo o lagpas pa.
Sinabi ni DSWD Undersecretary Aliah Dimaporo na may available na pondong pang-ayuda pero ang pag-uusapan pa lang sa DSWD ang kasunod na sektor na bibigyan.
Sa panig ng Department of Agriculture, sinabi nito na simula sa buwang ito, mamamahagi na ng fuel subsidy sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda.
5,000 pesos ang magiging fuel subsidy sa mga magsasaka na may makinarya tulad ng traktora at 3,000 naman sa mga mangingisda na gumagamit ng motorized banca.
Ipinaliwanag ni Agriculture Director Lorna Belinda Calda na inaayos pa ang listahan ng kwalipikadong beneficiaries.
Meron aniya ngayong 100 million pesos ang Department of Agriculture na maibibigay na ayuda sa 14,400 farmers at 15,669 na mangingisda.
Kung tatagal pa aniya ang krisis sa enerhiya, makakakuha pa ng pang-ayuda ngayong buwan mula sa 10-billion pesos na Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolks Fund na maitutulong sa may 4.217 million na beneficiaries.
Bukod pa ito sa ipinalalabas ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel na 7 billion mula sa Rice Farmers Financial Assistance Fund.
