Naghahanda na ang Dep’t of Social Welfare and Development sa La Niña phenomenon, na inaasahang tatama sa bansa sa Hunyo.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary for Disaster Response Management Group Irene Dumlao, nakalatag na ang lahat ng disaster preparedness and response strategies upang maibsan ang epekto ng wet season.
Nagpapatuloy umano ang procurement at pag-monitor sa relief supplies, upang matiyak ang sapat na family food packs at non-food items na naka-preposition sa mga warehouse.
Tinitiyak na rin ang kaligtasan ng evacuation centers sa pakikipagtulungan sa Dep’t of Education at mga lokal na pamahalaan.
Bukod dito, naaprubahan na rin ang buong bansa handa project na magkakaroon ng dalawang supply chain mechanism, una ay ang pagpapalakas ng production capacities ng DSWD National Resource Operations Center sa Pasay City, Visayas Disaster Resource Center sa Cebu, at warehouse at storage facilities sa 16 na DSWD field offices.
Ang ikalawang mekanismo ay ang pakikipagtulungan sa malalaki at maliliit na groceries, supermarkets, manufacturers, at distributors para sa private sector-driven supply chain.