Binabantayan ng Dep’t of Social Welfare and Development ang pangangailangan ng mga lugar na maaapektuhan sakaling pumutok ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ng Bago City, La Carlota, Pontevedra, La Castellana, Moises Padilla, at Canlaon City na mga nakapalibot sa bulkan.
Nakikipagtulungan din ito sa Office of Civil Defense upang matukoy ang mga kakailanganing tulong, lalo na para sa mga pamilyang lumikas sa evacuation centers o nakikituloy muna sa mga kaanak o kaibigan.
Sinabi ni Dumlao na umabot na sa 17,279 pamilya o higit 57,000 katao ang apektado ng pag-aalboroto ng bulkan.
Kaugnay dito, nakapaglabas na ang DSWD ng kabuuang ₱37.9 million na halaga ng humanitarian assistance kabilang ang ₱15.9 million psos na Assistance to Individuals in Crisis Situation, at mahigit 17,000 family food packs.
Mayroon nalalabi rin umanong 1.7 million national stockpile ng food packs na naka-posisyon sa iba’t ibang panig ng bansa. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News