dzme1530.ph

Drug testing sa PUV drivers, ‘di epektibong solusyon laban sa mga aksidente sa kalsada

Loading

Duda si Senate Minority Leader Koko Pimentel na magiging solusyon sa dumaraming aksidente sa kalsada ang panukalang isailalim sa mandatory drug testing kada 90 araw ang mga tsuper ng pampasaherong sasakyan.

Hindi maunawaan ng senador ang lohika sa panukalang mandatory drug testing at sinabing hindi niya maintinidhan kung bakit drug testing ang unang naiisip na solusyon.

Sa halip na drug testing, iginiit ni Pimentel na unahin ang pagsusuri sa iba pang aspeto ng kaligtasan sa kalsada.

Ang dapat aniyang gawin ay ang mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na batas partikular ang speed limiter law.

Ang mga lumalabag aniya sa speed limit ay dapat agad parusahan bago pa sila makasakit o makapatay.

Ayon sa senador, ang disiplina ng mga PUV driver ay dapat na pangunahing responsibilidad ng mga operator at may-ari ng sasakyan.

Bilang dagdag na hakbang, isinusulong ni Pimentel na gawing non-probationable ang mga quasi offenses o mga krimeng dulot ng kapabayaan at kawalan ng ingat.

About The Author