dzme1530.ph

Driver ng SUV na nagkasa ng baril sa isang taxi driver, sumuko sa Valenzuela LGU

Sumuko na ang driver ng SUV na nagkasa ng baril at tumulak sa isang taxi driver sa nangyaring road rage na nakunan ng video sa Valenzuela, kamakailan.

Ayon kay Mayor Wes Gatchalian, nagtungo sa kanyang tanggapan si Marlon Malabute para isuko ang hawak nitong baril na ginamit laban sa isang taxi driver na nakaalitan nito dahil sa gitgitan sa kalsada.

Nagpahayag naman ng pagkagalit ang alkalde dahil naniniwala ito na iresponsable ang pagpapakita o pagkasa ng baril lalo’t sa Valenzuela pa ito nangyari.

Aniya, hindi nito maintindihan kung paanong naisyuhan ito ng baril at nabigyan pa ng lisensya lalo’t wala naman itong maipakitang negosyo o anumang dahilan para makapagdala ng baril.

Samantala, naging matipid naman sa pagsasalita si Malabute habang kasama nito ang kanyang abogado.

Ayon kay Malabute, maghihintay na lamang siya sa kaso at haharapin ito sa korte.

Matatandaang, ni-revoke na ng PNP ang kanyang lisensya sa paghawak ng baril kung kaya masasabing loose firearm na ang kanyang isinukong baril. –sa ulat ni Jay de Castro, DZME News

About The Author