Sumuko sa tanggapan ni ACT-CIS Representative at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ang driver-bodyguard ng apat na Chinese nationals na dinukot at pinagnakawan ng mga pulis sa Southern Police District noong Setyembre 2023.
Ayon kay Tulfo, si Michael Novecio ay kasabwat at informant ng mga pulis na nasa likod ng krimen.
Inamin ni Novecio na napanood niya ang hearing ng Committee on Public Order and Safety ni Rep. Dan Fernandez kung saan inilabas ang kanyang litrato kaya nagpasya na siyang sumuko kay Tulfo.
Sa ngayon, matinding takot ang nararamdaman Novecio dahil hindi na nito alam kung sino ang kalaban dahilan sa hinahabol na ito ng mga Chinese group at maging ng mga pulis.
Nitong Enero 30, inilabas ng Kongreso ang Warrant of Arrest laban kay Novecio dahil sa hindi nito pagsipot sa hearing ukol sa illegal arrest, pagdukot at pagnanakaw sa apat na Chinese nationals kung saan sangkot ang mga pulis na nakatalaga sa Southern Police District Detective and Special Operations Unit o DSOU.
Agad namang inatasan ni Fernandez ang House Secretary General na bigyan ng proteksyon si Novecio habang ito ay nasa kanilang kustodiya.
–Sa panulat ni Ed Sarto, DZME News