dzme1530.ph

Drainage flood control programs ng gobyerno, pinabubusisi sa Senado

Nais ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magsagawa ng senate inquiry in aid of legislation sa mga plano at programa ng pamahalaan sa pagsasaayos ng mga drainage system at flood protection sa Metro Manila at ilan pang bahaing lugar sa bansa.

Sa kanyang Senate Resolution 693, iginiit ni Villanueva ang pangangailangang mabusisi ang mga proyekto para sa matinding pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar.

Batay World Risk Index, sa 193 na bansa sa buong mundo, rank 1 ang Pilipinas sa pagiging lantad sa natural disasters tulad ng tsunami at coastal at river floods.

Binigyang-diin ni Villanueva na bukod sa NCR, palagi ring binabaha ang mga lalawigan ng Pangasinan, Pampanga, Bataan at Bulacan at naranasan din ang pagbaha at landslides sa Lanao del Norte, Zamboanga City, Cebu City at Davao City.

Inihayag pa ni Villanueva sa resolusyon na bagamat marami nang ginawa at ikinasang proyekto ang gobyerno para solusyunan ang matinding pagbaha at mga pag-aaral sa loob at labas ng bansa ay nagiging paulit-ulit lamang ang problema.

Sinabi ni Villanueva na dapat busisiin kung ano ang mali sa mga drainage at flood control program upang malapatan ng akmang aksyon.

About The Author