dzme1530.ph

DPWH, pinakikilos sa mga reklamo laban sa Samal Island Davao Connector Project

Pinakikilos ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Public Works and Highway (DPWH) sa mga reklamo ng environmentalists at business groups laban sa konstruksyon ng P23-B Samal Island-Davao City Connector (SIDC) bridge.

Sinabi ni Hontiveros na naitanong na rin niya sa pagtalakay ng 2023 budget ng DPWH ang isyu makaraang marinig ang hinaing ng mga apektado ng infrastructure project.

Iginiit ng senador na dapat muling pag-aralan ng DPWH ang disenyo ng proyeko at magsagawa ng konsultasyon sa mga stakeholders.

Ipinaliwanag ng senador na may balidong rason ang mga grupong tumututol sa proyekto dahil sa epekto nito sa coral reefs at mangrove areas sa Samal Island.

Binanggit din ng mambabatas ang pag-aaral ng isang Japanese group na nagpapakitang mas mabuting ilipat ang landing site ng tulay sa government-owned property sa Davao side.

Ang Samal Island Davao City Connector ay isa sa major infrastructure projects ng nakalipas na administrasyon na makakaapekto sa Brgy. Limao sa Island Garden City of Samal at mga barangay ng Vicente Hizon, Sr. Angliongto at R. Castillo sa Davao City.

Popondohan ito ng loans mula sa China subalit ini-award din sa China Road and Bridge Corporation, na state-owned construction company.

Sa reklamo ng mga environmentalist, ang proyekto ay makasisira sa malaking bahagi ng Samal Island partikular sa mangrove swamp forest reserve na idineklarang “protected area.” —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author