Ikinu-konsidera ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na i-reschedule ang EDSA Rebuild Project pagkatapos ng tag-ulan.
Ayon sa DPWH, ongoing pa rin ang mga diskusyon, sa gitna ng nagpapatuloy na paghahanap ng mga bagong solusyon upang mapabilis ang rebuilding ng pinakaabalang lansangan sa Metro Manila.
Nakatakda sanang simulan ang rehabilitasyon sa EDSA ngayong Hunyo, subalit ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-isipan muli ang plano at paiksiin ang construction period upang mabawasan ang magiging perwisyo nito sa mga motorista.
Sinabi ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na hindi pa naisasapinal ang postponement ng EDSA rehabilitation, dahil sinusuri pa ng ahensya kung maaari nilang simulan ang konstruksyon sa ilang bahagi na kailangang matugunan agad, gaya ng kanilang ginagawa noon na reblocking.