Muling ipatatawag ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang pagpaliwanagin sa kahandaan ng Pilipinas sa posibilidad ng malakas na lindol o ang pinangangambahang “The Big One”.
Ito ay kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Morocco na ikinamatay na ng halos 3,000 katao.
Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Public Works, nais nilang malaman ang update sa ginagawang retrofitting ng DPWH at mga pag-aaral sa iba’t ibang gusali kasama na ang mga tulay at iba pang imprastraktura.
Binigyang-diin ng senador na hindi lamang dapat puro earthquake drill ang isinasagawa ng gobyerno at sa halip ay dapat matukoy ang kahandaan ng mga ahensya.
Nanawagan si Revilla sa DPWH na gawin ang kanilang mandato kung may mga gusali anya na dapat nang i-abandona ay gawin na nila ito nang maaga upang hindi na magkaroon pa ng disgrasya.
Samantala pinangunahan ni Revilla ang blood letting activity sa Bacoor, Cavite bilang bahagi ng pagdiriwang niya ng kanyang ika-57 kaarawan.
Sinabi ni Revilla na ito na ang ika-14 na taon nilang ginagawa ang programang “Dugong Alay, Pandugtong Buhay” upang makatulong sa mga kababayang nangangailangan ng dugo. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News