dzme1530.ph

DPWH, humiling na i-freeze ang halos ₱500M assets; ari-arian ni Zaldy Co, kasama sa nakatakdang pag-freeze kaugnay ng flood control anomaly

Loading

Mariing kinumpirma ni DPWH Sec. Vince Dizon na hiniling na nila sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze sa halos ₱500 milyong halaga ng mga sasakyan at ari-arian na nakapangalan sa mga personalidad na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Dizon sa isang pulong-balitaan ngayong araw, malinaw ang direktiba ng pamahalaan na panagutin ang mga opisyal at kontraktor na sangkot sa maling paggamit ng pondo at ibalik sa taumbayan ang perang kanilang kinuha.

Batay sa ulat, aabot sa ₱474.4 milyon ang halaga ng assets ng 26 indibidwal, kabilang sina dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, at iba pang contractors. Pinakamalaki rito ang nakapangalan kay Cezarah Rowena Cruz Discaya na may mahigit ₱218 milyon, kasunod nina Pacifico Discaya II na may ₱59 milyon, at Robert Tecson Imperio na nasa ₱53 milyon.

Kabilang din sa nakatakdang ipa-freeze na ari-arian ang assets ni Rep. Zaldy Co, partikular ang iba’t ibang aircraft na nagkakahalaga ng halos $85 milyon o mahigit ₱4.7 bilyon. Nakapangalan ang mga ito sa Misibis Aviation and Development Corp., QM Builder, at Hi-Tone Construction Development Corp.

Kasama rin dito ang dalawang AgustaWestland AW1398 helicopters, isang Gulfstream 350 jet, dalawang Bell 407 helicopters, isang Bell 206B3, isang Bell 505, Cessna 414A Chancellor, PA 31-350 Chieftain, at isang Agusta A109E helicopter.

Dagdag pa ni Dizon, bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon ng Department of Justice at DPWH sa maanomalyang flood control projects, kung saan ilan sa mga personalidad ay nag-a-apply din sa Witness Protection Program.

Binigyang-diin ng kalihim na patunay ito ng seryosong kampanya ng pamahalaan para tiyaking ang pondong nakalaan sa mga proyektong panlaban sa pagbaha ay mapupunta sa tama at hindi sa bulsa ng iilan.

 

About The Author