Dapat mayroong sariling monitoring system ang Department of Public Works and Highways at Department of Budget and Management kaugnay sa mga flood control and mitigation projects ng gobyerno.
Ito ang iginiit ni Sen. Risa Hontiveros na matagal na aniyang dapat na ginagawa.
Ipinaalala ng senador na matagal na silang nangangalampag sa Senado kaugnay sa flood control projects na pinopondohan ng 1/3 ng kabuuang budget, subalit palala pa nang palala ang mga pagbaha.
Una nang inamin ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na wala silang monitoring system sa mga flood control projects na ang pondo ay last minute na isinama sa national budget.
Samantala, inaasahan ni Hontiveros na puspusan ang isasagawang performance review ng Commission on Audit sa mga proyektong ito upang matukoy ang mga palpak at guni-guning programa.
Napatunayan naman aniya ng COA sa maraming kontrobersiya na kakayanin nilang singilin ang mga sangkot sa katiwalian kahit mataas ang posisyon sa gobyerno.