Aminado si DPWH Sec. Vince Dizon na may bid rigging o pagmamanipula sa bidding na nagaganap sa flood control projects.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Dizon na hindi mangyayari ang lahat ng anomalya kung malinis o transparent ang proseso sa procurement.
Kaya naman, sinabi ni Senador Bam Aquino na isa rin sa posibleng isampang kaso laban sa mga sangkot sa anomalya ang paglabag sa Philippine Competition Act, na may katapat na parusang multa na aabot sa ₱100 milyon hanggang ₱250 milyon kada bilang ng kaso.
Sa dami aniya ng mga sangkot na contractor, DPWH officials at iba pang personalidad, maaaring umabot sa trilyon ang maaaring mabawi mula sa mga ito.
Kinumpirma naman ni Dizon na kasama sa mga inihahanda nilang kaso laban sa mga taong sangkot ang paglabag sa Government Procurement Act, kabilang na ang bid rigging.
Sinabi pa ni Aquino na mas mabigat na kaso ang paglabag sa Philippine Competition Act at mas malaking multa ang maipapataw dito.