Binigyang diin ng bagong talagang kalihim ng Department of Transportation na si Vince Dizon ang pangangailangan na i-update ang Master plan para sa Transport Infrastructure Development.
Gayundin ang pagpapalawak sa partnership ng pamahalaan sa pribadong sektor upang maging epektibo ang transport systems.
Ginawa ni Dizon ang pahayag, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Na bilisan ang implementasyon ng ongoing transportation infrastructure projects, pati na ang mga naka-kasa nang proyekto.
Ipinaliwanag ng bagong DOTr Chief na ang kanilang roadmap ay pagsasapribado dahil ito aniya ang pinakamabilis, at protektado ang gobyerno at mga pasahero.
Idinagdag ni Dizon na makikipag-ugnayan siya sa Japan International Cooperation Agency (JICA) sa mga susunod na araw para sa pag-update ng roadmap upang matugunan ang infrastructure gaps at matagal nang problema ng mga commuter.