Pinakikilos ni Senador Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) sa shortage ng plastic cards na driver’s license na magreresulta na naman anya sa sangkaterbang backlog sa bahagi ng Land Transportation Office (LTO).
Sinabi ni Poe na ang ipinamamahaging papel na temporary driver’s license ay madaling mapunit at masira bukod pa sa madali itong mapeke na magkokompromiso rin sa seguridad ng may hawak nito.
Ipinaalala ng senador na isa ang driver’s license sa mga government-issued IDs na karaniwang ginagamit sa iba’t ibang transaksyon.
Pinagkakagastusan din anya ito ng taumbayan kaya’t dapat lamang na bigyan sila ng tama at kagalang-galang na lisensya, hindi ng kapirasong papel.
Dahil din anya sa hakbang na ito ng LTO ay nababalewala ang layunin ng batas na nagpapalawig sa validity ng lisensya ng lima o sampung taon na bawasan ang abala sa mga tsuper sa pagrerenew ng kanilang driver’s license. —sa ulat ni Dang Garcia