HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Transportation na tiyaking handa ang kanilang contigency measures para sa maayos at ligtas na paglalakbay ng mga biyahero ngayong Semana Santa.
Sinabi ni Gatchalian na inaasahan na ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa mga pantalan, paliparan, at mga pangunahing toll roads, kaya’t nararapat lamang na nakaayos na ang mga plano at kahandaan ng mga kaugnay na ahensya.
Dapat anyang makipagtulungan ang DOTr sa Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at mga lokal na pamahalaan upang matukoy kung saan kinakailangan ng dagdag na presensya ng mga awtoridad para mapanatili ang kaayusan, agarang tugon, at pagsunod sa mga panuntunang pangkaligtasan.
Idinagdag pa ng senador na mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa—mula sa pambansang ahensya hanggang sa mga lokal na opisyal—upang masiguro ang mapayapa at aberya-free na biyahe ng mga Pilipino.
Umaasa ang mambabatas na magiging makabuluhan ang Semana Santa kasabay ng panawagan para sa maingat at ligtas na paggunita sa okasyon.