Hinimok ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Transportation at airport authorities na bumuo ng security protocols upang matiyak na hindi na mauulit ang insidente ng ‘punit passport’.
Iginiit ni Gatchalian na banta sa reputasyon ng Pilipinas bilang isang tourist destination ang napaulat na ‘punit passport’ scheme.
Ipinaliwanag ng Senador na kung hahayaan lang ito ay magdudulot ito ng takot at pangamba sa mga pasahero at maaari ring makataboy ng mga turista at mapahina ang tiwala sa sistema ng ating mga paliparan.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat agad na mapanagot ang mga responsable sa gawaing ito.
Hindi aniya dapat payagan na sirain ng iilang tiwaling kawani ang tiwala ng publiko sa ating mga paliparan.