dzme1530.ph

DOT, ‘di na natuto sa mga pagkakamali!

Dismayado si Senador Nancy Binay sa tila hindi na pagkatuto ng Department of Tourism (DOT) sa mga naunang pagkakamali nito kaugnay sa tourism campaign.

Ginawa ng Senate Committee on Tourism Chairperson ang pahayag kaugnay sa kontrobersyal na campaign video na inilabas para sa bagong tourism slogan na “LOVE THE PHILIPPINES” na ang ilan sa mga kuha ay hinugot lang sa stock footage ng isang video creation platform.

Ayon kay Binay, bigo ang dapat sana’y pasabog na kampanya ng DOT para sa turismo.

Kasabay nito sinabi ni Binay na hindi ito ang unang pagkakataon na sumabit at matinding binatikos ang DOT dahil sa palpak na paglikha sa ilang mga promotions tulad ng hindi orihinal na logo, slogan, design at ngayon video clips.

Nangangamba naman ang senadora na dahil sa panibagong kapalpakang ito ay maapektuhan ang desisyon ng mga turista na bumisita sa bansa.

Magiging dahilan din anya ito ng pagdududa ng publiko sa anumang susunod na ilalabas na promotional material ng DOT.

Pinakamahalaga anya ngayon ay tiyakin na hindi titigil ang ahensya sa promosyon sa bansa para sa turismo.

Iminungkahi pa na ibalik na lamang ang “FUN” dahil malaki anya ang problema sa “LOVE” sa ngayon.

Mahigit 10 taon na tourism slogan ng bansa ang “IT’S MORE FUN IN THE PHILIPPINES.” —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author