dzme1530.ph

Donasyong 390k doses ng bivalent COVID-19 vaccines mula Lithuania, ipinagagamit na ng DOH bago mag-expire sa Nov.

Ipinakakalat na sa iba’t bang rehiyon sa bansa ang dumating na 390,000 doses ng bivalent COVID-19 vaccines, na donasyon ng bansang Lithuania sa pamamagitan ng COVAX facility.

Sa press briefing sa Palasyo, inihayag ni Health Sec. Ted Herbosa na mayorya ng bivalent vaccines ay napunta sa Metro Manila.

Aminado naman si Herbosa na kulang ang 390,000 doses, ngunit tiniyak nito na may matatanggap na bakuna ang lahat ng rehiyon.

Tinukoy na priority sa bivalent vaccines ang matatanda, mga may comorbidity, at healthcare workers.

Iginiit naman ng DOH Chief na dahil mag-eexpire na ang bivalent vaccines sa Nov. 23, kailangan nang simulan ang pagtuturok nito sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.

Ang bivalent vaccines ay ang bakunang idinisensyo upang magbigay proteksyon hindi lamang sa original strain ng virus kundi pati sa iba pang COVID-19 variants. —-sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author