Malaki ang maitutulong ng 20,000 metric tons ng urea fertilizer na donasyon ng China sa pagpapalakas ng produksyon sa agrikultura tungo sa food security ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ceremonial turnover ng fertilizer sa Valenzuela City.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ng pangulo na hindi nagdalawang-isip ang China na tumugon sa paghingi ng tulong ng Pilipinas sa harap ng pagsipa ng presyo ng imported fertilizers at problema sa supply chain.
Kaugnay dito, tiniyak ni Marcos na direktang makararating sa mga magsasakang Pilipino ang urea fertilizers, at ang kanilang matitipid sa production costs ay magagamit pa nila sa kanilang mga pamilya.
Sinabi rin ni Marcos na ang donasyon ang sumisimbolo sa mahalagang relasyon ng dalawang bansa, habang para naman kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, ito ay daan sa pagpapalalim pa ng kanilang kooperasyon. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News