![]()
IBINABALA ni Senador Christopher “Bong” Go na dapat paghandaan ng gobyerno ang domino effect ng tensyon sa Middle East sa presyo ng mga inihahatid na pagkain sa buong bansa.
Ayon kay Go, ang bawat piso na pagtaas sa presyo ng langis ay mangangahulugan kaagad ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain.
Una aniyang maaapektuhan ng pagtaas sa presyo ang bigas, gulay, isda, baboy, manok, itlog at iba pang basic commodities.
Iginiit ng senador na ang bawat piso ay mahalaga sa mga Pilipino kaya naman sa Senado ay nakahanda sila na suportahan ang mga solusyon tulad ng pagsuspindi muna sa excise tax sa fuel para mapababa o i-hold ang pagtaas sa presyo ng langis sa bansa.
Nanawagan din si Go sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na ibigay na kaagad ang mga subsidiya o ayuda sa mga higit na apektado ng krisis tulad ng mga transport workers at low-income households.
