![]()
Kinumpirma ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na natanggap at pinag-aaralan na ng mga senador ang ipinadalang sulat ni DPWH Secretary Vince Dizon kasama ang mga dokumento para sa recomputation ng presyo ng infrastructure projects sa susunod na taon.
Ito ay may kaugnayan sa apela ng DPWH at ng Kamara na ibalik sa kagawaran ang P45 bilyon na tinapyas ng Senado sa panukalang pondo ng ahensya.
Sinabi ni Gatchalian na pinag-aaralan na nila ang revised adjustment factors na ipinasa ng DPWH. Sa sandaling ma-validate ito, ikukunsidera na nila ito sa pagtalakay sa panukalang pambansang budget.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang mapag-aralang mabuti ang mga dokumento at matiyak na walang overpriced items sa panukalang budget.
Kasabay nito, kinumpirma ni Gatchalian na tuloy na ang bicam meeting ngayong araw matapos itong suspindihin kahapon. Gayunman, hindi muna anya nila tatalakayin ang pondo ng DPWH at unahin muna ang panukalang pondo ng ibang ahensya.
