Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na wala pa silang tinatanggap na state witness kaugnay sa mga anomalya sa flood control projects.
Sa panayam sa Senado, sinabi ni Remulla na patuloy pa ang kanilang ebalwasyon sa aplikasyon ng limang indibidwal na nais maisailalim sa Witness Protection Program.
Kabilang dito sina dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Hernandez, kontraktor na si Sally Santos, at mag-asawang kontraktor na sina Sarah at Curlee Discaya.
Aniya, pinag-aaralan pa ang mga pahayag at kredibilidad ng mga aplikante.
Ngunit nilinaw ng kalihim na maaari nang mabigyan ng proteksyon ang mga ito habang nagpapatuloy ang pag-aaral, dahil responsibilidad ng estado ang protektahan ang mga testigo.
Sa usapin ng panawagang ibalik ng mga testigo ang nakurakot na pera ng bayan, sinabi ni Remulla na natural lamang para sa publiko na hilingin ito at dapat ding pakinggan ang sigaw ng taumbayan.